Gaya ng karaniwang araw ng Martes, sabay kami ng kapatid kong umalis sa bahay, nakapayong dahil sa maulan na umagang ‘yon – siya papasok ng paaralan upang mag-aral, ako nama’y papasok din para naman magturo. Nakasanayan ko na ring sabay kami sa pagmamadali tuwing umaga kapag alas-siyete na kami umaalis ng bahay. 7:30 ang pasok niya, ako naman ay 7:45. Aabot naman kami basta’t makasakay agad ng dyip pa-Katipunan. AYOS. Didiskarte na naman kami para makasakay agad. Sa may bandang dulo kami pupuwesto, malayo sa kumpol ng mga taong naghahangad ding makasakay agad ng dyip na may karatulang Cubao. Handa na ako sa laban. Kaniya-kaniyang diskarte at unahan lang. Hindi na ‘ko puwedeng mahuli dahil nakakailan na rin akong 7:46 am nakakapag-in. Kaya kong unahan kahit mga lalaking nag-coconstruction basta makasakay lang ako agad. Ayoko nang mahuli pa, sa totoo lang. Wala mang bawas sa suweldo eh bawas naman sa rating ko bilang guro. Tsk. Ang olats naman kung matanggal ako dahil lang sa mga late ko.
Pagdating sa Ligaya kung saan nakaabang ang lahat sa mga hari ng kalsada, ‘di ko inaasahang kasabay rin namin ang kaeskuwela ng kapatid ko. Sa Ligaya rin kasi siya sumasakay. Medyo may problema. mahirap yatang makadiskarte sa pagsakay kung tatlo kami. Naisip din ito ng kapatid ko, kaya naman pinauna na niya akong sumakay sa dyip kung saan kabababa lang ng isang ale. Naupo ako sa may dulo ng dyip, bandang estribo, saktong-sakto sa mabilis na pagbaba dahil sa Katipunan lang naman ako. Ayos, nakasakay na rin ako agad! Hindi ako mahuhuli! (nakangiti pa si ma’am). Bago dumating ng LRT Santolan, naisipan ko nang magbayad dahil isa-isa na ring nag-aabot ng mga barya ang ibang mga pasahero. Bigla kong naalala ang pitaka ko, na regalo sa akin ni Z. Kulay lilang pitaka ‘yun na gawa sa mga bilog at makinang na beads, gawang-kamay at medyo malaki sa karaniwang coin purse. Sinubukan kong kapain ang pitaka ko sa malaki kong shoulder bag, pero hindi ko masalat ang mga bilog na beads na medyo madali namang makuha. Tinignan ko ang bag ko. Wala ang kulay lilang pitaka. WALA. Wala rin akong dalang pera sa loob ng bag ko. At higit sa lahat, wala akong perang pambayad sa dyip! Anak ng tinapa!
 |
| Ang makinang at kulay-lila kong pitaka na naiwan ko! |
Naalala ko na ang puno’t dulo kung bakit wala ang pitaka ko sa bag. Bumili ako kagabi ng gamot sa botika sa Bayan, at gamit ko ang maliit na sling bag na dinadala ko kapag may bibilhin ako sa medyo malayu-layong lugar. Shet na malagkit! Nandun ang pitaka ko! Agad akong tumawag sa nanay ko para matiyak na nandun nga ang pitaka ko. Tumpak. Nandun nga ang hinahanap ko, nasa loob ng sling bag na nasa bahay. Naiwan ko. Hindi ko nailagay muli sa malaki kong bag na pamasok. 22 taon pa lang ako nang magdiwang ako ng kaarawan ko pero bakit sa mga ganitong bagay, tingin ko eh senior citizen na ‘ko dahil sa kalimot? Ilang beses ko nang naiiwan ang pitaka ko. Huling beses ay sa mesa ko naman sa faculty workroom, naalala ko lang noong nasa Ministop na ‘ko sa Katipunan, pauwi na. Teka, balik sa kuwento. Dahil kumpirmado nang nasa bahay ang pitaka ko, tinawagan ko angad ang kapatid ko. Buti na lang at ‘di pa sila nakasasakay ng kaeskuwela niya. Nabiktima rin tuloy siya ng sakit kong ulyanin. Bumalik siya sa bahay para kunin ang pitaka na ‘di kaniya, nakatanggap ng sermong hindi naman para sa kaniya, at na-late siya pagpasok sa school damay pa ang kaibigan niya. Ayos. Napakaganda ng araw na ‘to. May utang pa tuloy ako sa kaniya.
Sa pagtatapos ng ‘di kagandahang araw na ‘yun, lalo kong nadama na hindi na ako bumabata pa. Matanda na ako, oo, at dapat maging responsable sa sarili kong buhay. Sa sarili kong gamit. Sa sarili kong damit. Hindi porke’t matanda na ako eh may dahilan na ako para maging ulyanin – dahil ang pagiging matanda ay pagiging responsableng tao, hindi pagiging makakalimutin at bobo.
Salamat kay C at kay B na bumalik sa bahay para lang kunin ang pitaka ko.
Mabuti kayong mga mag-aaral. Ayos kayo!