Noon pa ako may blog pero hindi ko pa siya pormal na nai-launch. Ang taray. Si Z pa lang ang nakababasa ng mga nilalaman nitong para rin naman talaga sa kaniya. Cheesy. Puro kasi tungkol sa love ang blog na ‘to. Para lang kay boyfriend. Masyadong makasarili. Habang nag-iisip ng tema at astig na pangalan para sa renovation (naks) ng blog na ‘to, iniisip ko na habang nasa dyip kanina kung anong bagay ang pinakamalapit sa ‘kin kung saan puwede kong ikahon ang laman ng blog na ‘to. Naisip ko ang sinasakyan kong dyip, na araw-araw kong sinasakyan papunta sa kung saan-saan. Puwede. Biyaheng dyipni. Isang bahagi ng buhay ko na hinding-hindi ko malilimutan dahil sa dami ng leksyong naituro sa akin at sa buong pagkatao ko. Pasok sa banga.
Ngayong may pamagat na ako sa aking blog, iniisip ko na rin na magandang maisulat ko sa blog na ‘to ang araw-araw na engkuwentro ko sa mga taong nakasasalamuha ko sa loob ng dyip, ang pangunahing transportasyon na hindi mawawala sa ating mga Pinoy kahit nariyan na ang mga FX papuntang Cubao. Tama, isang paraan din ng pagpapanatili ng kakaibang engkuwentro ng bawat tao sa pagsakay nila sa dyip ang magiging silbi ng blog ko. Sa ngayon, natutuwa akong may magiging kabuluhan kahit paano ang gagawin kong simpleng pagpaparanas sa bawat isusulat ko rito ukol sa mga karanasan ko hindi lamang sa pagsakay sa dyip araw-araw, kundi sa buhay, sa kung ano pa man, at sa pangkalahatan. Samahan na rin natin ng first love kong mga tula.
Tara, sakay na sa dyipni!

No comments:
Post a Comment